Coming Home to Jesus (Ang Huling Sulyap kay Dean Merlina V. Locquiao)

44722_121396494579795_2411174_n

Dedicated, devoted-ang dalawang pang-uring ito ang sa tingin ko ay naglalarawan sa aming pumayapang Dean. Sa mga hindi nakakaalam, sa nilayu-layo ng kanyang pinanggalingan nakakarating parin siya ng alas siyete sa Centro Escolar University, Mendiola,Manila mula Cavite. Daig pa niya ang ibang Clinical Instructors at estudyante na sa malapit lamang nakatira. Samantala,ang uwi niya ay hindi mas maaga sa alas siyete ng gabi hanggang alas nueve.Sa tingin ko, sa sobrang pagmamahal ni Dean sa academe, nakaligtaan na niya pati ang pag-aasawa sapagkat ang CEU na ang kanyang naging kasintahan at kaming mga mag-aaral ang itinuring na niyang mga anak. Pagdating sa dedikasyon at kasipagan, 10/10 ang ibibigay kong grado niya.

Alam ng lahat ang pagiging strikto ni Dean. Maaaring ito ay dahil sa kagustuhan niyang maging maganda ang kalidad ng mga estudyanteng nagtatapos ng Nursing sa CEU. Sino ba naman ang makakalimot sa columnar at logbook sa Psychiatric Nursing?Sino ba naman ang hindi kinabahan sa pagtatanghal ng psychodrama?Sa pausong 3 synchronized quizzes at 2 personal quizzes, sa pagdadala dapat lagi ng aklat sa Pathophysiology at Medical Surgical Nursing, sa pahabaan ng pathophysiology at sa walang kamatayang Comprehensive Nursing Process.

Dati-rati, kapag nakikita ko na sa malayo si Dean, agad akong nagtatago at pupunta sa kabilang daan. Ang pakiramdam ko noon, nakakatakot kaya si Dean! Kayat’t kahit ako ay ihing-ihi na kapag nasulyapan kong pakalat-kalat siya sa may GDLSC babalik at babalik ako sa aming silid-aralan,sisilip hanggang sa makapasok na si Dean sa kanyang opisina at saka lamang ako tutungo sa CR. Nalaman ko rin dati sa mga naging ka-section naming na nalipat sa ibang klase na umaabot daw sila ng alas nueve ng gabi para sa mga make up class ni Dean at sila na lamang ang natitirang nagkakaklase sa ganung oras. Sa isip-isip ko noon, buti nalang pala hindi kami kay Dean!Natuwa ako noon na nakapagtapos ako ng Nursing na hindi siya naging professor. Subalit isang malaking kawalan pala ang hindi kami mahawakan ni Dean.

36658_1439935832074_5818061_n

Ika-22 ng Mayo noong nalaman kong nakaconfine si Dean sa UST Hospital dahil sa Cancer. Nabigla ako sa balitang ito. Sa pisikal na anyo ni Dean, sino ang mag-aakala na may sakit pala siyang iniinda. Mukhang napakalakas pa niya noon. Subalit ang hindi alam ng nakararami ay unti-unti na pala siyang nauupos tulad ng isang kandila dahil sa pagdami ng cancer cells sa kanyang katawan. Binalak pa naming  dalawin si Dean  ngunit dahil na rin sa hindi magkatugma-tugmang schedule ay hindi na kami nakabisita hanggang isang araw, ginulat ang College of Nursing ng isang hindi magandang balita. Wala ng mas bibigat pa sa araw na iyon sa balitang, “Si Dean, pumanaw na.”Ika-23 ng hunyo sa dakong alas tres ng hapon, siya ay nalagutan na ng hininga isang buwan matapos mapabalitang naospital siya.

Dumagsa ang mga nakiramay sa social media. Marami ang nagpasalamat sa kabutihan ni Dean. Karamihan sa kanyang mga naging estudyante ay nasa iba’t ibang sulok na ng mundo, kinikilala sa propesyon at isanag malaking parte si Dean sa kanilang tagumpay.

Ninais naming masilayan si Dean sa huling pagkakataon at noong ika-26 ng Hunyo, napagkasunduan naming mga magkakaklase nung College na pumunta sa kanyang lamay. Kagustuhan marahil ng Diyos na sa huling araw ni Dean dito sa Manila kami magpunta(kinabukasan ay iuuwi na ang kanyang labi sa La Union) upang kami ay makadalo sa Necrological Service.

dean 2

971504_585025024853236_508652847_n

1044502_585025098186562_1009515642_n

(Ayon sa aking narinig sa Necrological Service)Si Dean Merlina V. Locquiao ay isinilang sa La Union noong ika-2 ng Oktubre taong 1960. Siya ang pangalawa sa pitong magkakapatid. Nagtapos siya ng kursong Bachelor of Science in Nursing sa Far Eastern University. Nagtrabaho ng dalawang taon sa UST Hospital at sa UST rin siya nakapagtapos ng kanyang Masters Degree. Naging Clinical Instructor siya sa CEU at di naglaon,matapos ang ilang taon ay naging Dean siya ng College of Nursing kung saan siya naglingkod ng 13 taon.

Lingid sa kaalaman ng karamihan na sa edad na 23 ay nagkarron na ng Chronic Kidney Failure si Dean at isa siyang kidney recipient. Ni sa hinagilap ay hindi koi yon inaasahan sapagkat sa postura ni Dean ay napakalakas niya. Abril ng taong 2011 ng napag-alamang may Breat Cancer siya at nitong taon nga ay nalamang kumalat na ang Cancer sa kanyang atay na siyang naging dahilan ng kanyang lubhang pagkakasakit na humantong sa kamatayan.

Sa pakikinig sa eulogy napakarami kong nalaman at natutunan kay Dean. Sa loob ng kanyang striktong imahe ay ang mapagmahak at mapagbigay na “ Merly”. Mapapaiyak ka sa iyong maririnig sa kanilang mga kwento. Marami ang naluha lalo na nag kanyang mga matagal ng nakasama sa industriya. Isang napakalaking kawalan ka Dean.

1005867_585025561519849_535348212_n

7182_585025544853184_1678059245_n

Habang nakaupo at nakatitig sa kanyang kabaong ako ay nagbalik tanaw sa mga ala-alang naiwan ng butihing dating namumuno sa Kolehiyo ng Nursing. Hindi ko mapigilang mapangiti sa mga kwentong pumasok sa isip ko. Hindi ko alam kung totoo nga bang nangyari ang mga ito subalit gusto kong maniwala at manatili ang mga ito sa aking isip.

Ayon sa sabi-sabi ng mga makukulit na estudyante, minsan daw habang pauwi si Dean sakay ng bus, mayroon siyang nakitang mag-aaral na nakapink gown na nakasabay niya pauwi. Ang estudyanteng ito raw ay nasa bandang likod ng sasakyan. Ang mapagbigay na si Dean, alam niyo ba ang ginawa? Nang araw na yaon, siya ay may dalang mga mansanas. Kumuha siya ng isa at pinaabot sa mga kapwa pasahero hanggang sa makarating sa estudyante.Ang isiping nahawakan na ng iba’t-iabng tao ang prutas ay balewala na at mas nakakalamang ang kaisipang napakagenerous at napakathoughtful ni Dean.Sa libu-libong estudyante, ilan na ba  sa kanila ang nabigyan ng pagkain ng isang Dean? Para sa akin isa ito sa pinaka ‘di malilimutang pangyayari. Kumusta na kaya ang estudyanteng ito?Maaaring isa na siya ngayong registered nurse. Nabalitaan na niya kaya ang nangyari kay Dean? Marahil sa tuwing nakakakita siya ng mansanas naaalala niya ang kabutihang naipakita ni Dean sa kanya.

Hindi lingid sa kaalaman ng mga estudyante na Psychiatric Nursing ang forte ni Dean. At dito nauugnany ang pangalawang kwento.Habang naglalakad kasama ang kanyang mga etudyante, isang agaw-pansing exhibitionist ang nakapukaw sa atensiyon ng ating dakilang guro. Sa mga takot at walang pakialam na katulad ko, maaaring hindi ko papansinin ang taong ito at magpapatuloy sa paglalakad subalit, ibahin natin si Dean!Ayon ulit sa sabi-sabi, kanya daw nilapitan ang taong wala sa tamang pag-iisip at gamit ang therapeutic communication, kanya itong tinanong ng “Ano po ang dahilan kung bakit niyo ipinapakita ang inyong maselang bahagi ng katawan?”Grabe!Habang pinapatakbo ko sa aking imahinasyon ang pangyayaring iyon, ‘di ko napigilang sambitin sa isip ko, “Si Dean talaga!”

Sa halos apat at kalahating oras naming pamamalagi at pakikidalamhati sa Loyola, nabigyan kami ng pagkakataon na masulyapan si Dean at makapag-alay ng bulaklak. Ito na an gaming huling sulyap sa kanya kaya naman sinulit na namin. Matagal din naming siyang pinagmasdan. Isang napakagandang puting filipiniana ang kanyang suot. Ang kanyang itim at unat na buhok na hanggang balikat ay ayos na ayos, napahiran din ng lipstick ang kanyang manipis na labi na sa wari ko ay nakangiti. Yun nga lang, marahil dahil sa pagkakasakit, pumayat si Dean, kita sa mukha at kanyang mga kamay subalit sa kabuuan, payapa ang napakaganda at mala-Tetchi Agbayaning mukha niya.Para lamang siyang natutulog ng napakahimbing.

Ang kamatayan ay dumarating na parang isang magnanakaw,walang paalam. Isang lingo bago pa ang masamang balita, nagkaroon ako ng nakakatakot na karanasan sa apat na miyembro ng mga kawatan na ang istilo ay mag-ipit ng barya para makapagnakaw. Hindi ko maiasang tanungin ang Diyos kung bakit sino ang mababait sila pa ang kalimitang nagkakasakit at kung sino pa ang mga halang ang loob ay sila pa itong matagal ang buhay!Hindi ba at parang hindi tama?Siguro kung ang mga magnanakaw na ito ang namatay kapalit ng buhay ni Dean, marami pa sigurong pwedeng natulungan si Dean at mababawasan pa ang perwisiyong dulot ng mga kawatang ito. Ngunit sino ang makakaarok sa katalinuhan ng Diyos? Ang kanyang pasya ay naganap na. Wala akong karapatang tanungin ang kanyang desisyon sapagkat tunay nga naman,ako ay likha lamang niya.

Nabasa ng pigil na luha ang aking mga mata sa salaysay ni Maam Raquel Cristobal nung minsang nagkasabay silang umuwi. “Raquel, hindi pa ako handa”, ika raw ni Dean.Sino ba naman ang handang harapin ang bagsik ni kamatayan? Ngunit ang lahat ay nangyayari ng may dahilan. Lahat ng to ay mamamaalam, gustuhin man natin o hindi. It is God who call the shots!Alam man ng lahat na ang Diyos nag siyang Dakilang Manggagamot subalit sa puntong iyon, ninais niyang kunin na si Dean. Sa paghihirap at pasakit na dulot ng Cancer, maaaring sabi ng Diyos kay Dean, “Anak tama na, nagawa mo na ang dapat mong gawin at natupad mo na ang iyong mga tungkulin. Panahon na para umuwi.Merly, come home now to Papa.” Wala na tayong magagawa kundi tanggapin ang katotohanan at magpasalamat sa Diyos dahil minsan sa ating buhay ay dumating at nakilala natin ang isang Dean Merlina V. Locquiao na isa sa naging mahalagang parte ng ating buhay bilang estudyante at ngayon bilang mga tagapag-alaga na.

1000802_676722222345381_1272039456_n13310_1384373163042_649043_n

Dean, nasaan ka man ngayon, alam kong masaya ka na sapagkat kasama mo na ang Ama sa lugar na kung saan wala ng problema, wala ng sakit at lungkot lahat ay masaya at maligayang nagpupuri sa may Likha. Isang malaking karangalan ang makilala ka at makasama naming sa loob ng apat na taon. Sa pagiging matigas ang ulo at pasaway namin noong kami ay mga estudyante pa lang, sana kami ay napatawad mo.Huli na ang lahat para masabi namin ito sa iyo ng harapan subalit alam ko ngayon sa langit dinig mo ang dasal ko. Marami pong salamat sa dedikasyon sa CEU, sa sobra-sobrang oras, araw, panahon na inialay niyo, sa pagpupuyat at pag-iisip ng mga solusyon upang maging maganda ang kalidad ng mga estudyanteng magtatapos mula sa College of Nursing.Mamimiss namin ang matigas at astig  na bati niyo ng “Good Morning”.Mamimiss namin ang hindi umiikling haba ng mga palda niyo.Mamimiss namin ang hanggang  balikat niyong buhok.Mamimiss naming ang pagiging istrikta subalit mapagmahal ninyong katangian. Sa panahon ng katagumpayan, isa ka Dean sa mga nararapat na pasalamatan at pag-alayan ng tagumpay.

 You may have gone too soon Dean yet I am certain that you will never ever be forgotten. You did your best shot and with that we are so grateful. You’ll forever stay in our hearts. All your efforts will never be put to waste.

Mula sa buong Section E Batch 2011, maraming-marami pong salamat Dean Merlina V. Locquiao. May you rest in peace.

 Hanggang sa muling pagkikita.Paalam…..

 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s